Hinimok ni Assistant Majority leader at House Committee on Overseas Workers Affairs Chairperson Jude Acidre si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na magbigay ng legal assistance sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na inaresto sa Qatar kamakailan, sa halip na umapela sa mga awtoridad ng Qatar na maaaring hindi tugma sa opisyal na aksyon ng ating gobyerno.
Aniya, mas mainam na gamitin ni Roque ang kanyang kakayahan bilang isang international lawyer para tulungan ang ating mga kababayang OFW na naaresto dahil sa paglahok sa mga hindi awtorisadong political demonstration na sumusuporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court sa The Netherlands.
“Sa intindi ko, isa siya sa mga nagbuyo sa ating kawawang mga kababayang naiipit ngayon na magsagawa ng pagtitipon. Wala namang silbi ang appeal, appeal niya sa Qatari authorities. Unang-una, wala siyang legal personality to make the appeal. Pangalawa, fugitive siya dahil sa contempt ng Kamara tapos may kaso pa siyang human trafficking dahil sa POGO. Ang pwede niya talagang maitulong ay legal aid sa mga naaresto sa Qatar,” aniya.
Hirit pa ni Acidre, na gamitin ni Roque ang kanyang koneksyon upang makalikom ng pondo upang matulungan ang mga OFW na nahihirapan dahil sa mataas na legal fees sa ibang bansa.
“Maraming OFWs ang nahihirapan dahil sa mahal na gastusin sa mga legal fees abroad. Bilang isang abogado sa international law, malaking bagay kung gagamitin ni Atty. Roque ang kanyang talento para makalikom ng pondo upang suportahan ang OFWs na nangangailangan ng agarang tulong,” sabi ni Acidre.
Nagpadala na ang pamahalaan ng Pilipinas ng mga opisyal ng embahada upang makipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Qatar, at magbigay ng tulong sa mga naaresto.
Kasalukuyan ding inaayos ang pagkuha ng legal counsel para sa mga posibleng makasuhan, dahil hanggang tatlong taon na pagkakakulong ang kanilang maaaring maging parusa. | ulat ni Kathleen Forbes