Inihayag ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairperson at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang kaniyang pagtitiwala na magpapatuloy ang pamahalaan sa pagpapatatag ng ekonomiya at sa paghikayat ng mas maraming foreign direct investments (FDIs).
Ginawa ng Assistant Majority Leader ang pahayag sa gitna ng mga pangamba sa negatibong epekto ng reciprocal tariffs na ipinatupad ni US President Donald Trump laban sa mahigit 100 bansa, kabilang ang Pilipinas.
Kasabay nito, nanawagan siya sa mga kinauukulang opisyal na magsagawa ng masusing pagsusuri sa direksyong tinatahak ng ekonomiya ng Estados Unidos sa ilalim ng pamumuno ni Trump.
Naniniwala si Acidre na hindi tuwirang maaapektuhan ang Pilipinas sa mga naturang taripa.
Ayon pa sa mambabatas, dito nakikita ang kahalagahan ng matatag na ekonomiya na dapat lalo pang pag-ibayuhin.
Aminado rin si Acidre na masyado pang maaga upang tantyahin ang magiging tunay na epekto ng mga taripa.
Diin niya na malaking bagay ang kontribusyon ng Overseas Filipino Workers, at malaking tulong din ang mga hakbang ng administrasyon sa paghahanap ng karagdagang trading partners, hindi lamang sa Estados Unidos kundi sa iba’t ibang bansa sa buong mundo. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes