Umapela na si House Committee on Labor and Employment Chair Fidel Nograles kay Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. na sertipikahan bilang urgent ang panukalang umento sa sahod ng minimum wage earners.
Aniya, kailangan na ng aksyon ng ehekutibo sa matagal nang hinihingi ng mga arawang manggagawa.
“I believe we are now at the point where we need executive action. We are past the need for reviews from the Regional Tripartite Wages and Productivity Board, rather, what the people need is for Pres. Marcos to certify as urgent the proposed wage hike. Umaapela po tayo sa Pangulo dahil kailangang kailangan na ng mga kababayan natin ang umento sa sahod,” saad ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles
Paliwanag ng mambabatas, hindi na sapat ang itinatakdang taas sa sahod ng mga regional wages board sa mahal na presyo ng bilihin at serbisyo,
Naniniwala si Nograles na ang pinakamabilis at mabisang interbensyon na maipapatupad ay ang P200 wage hike upang makabili ng pagkain para sa kanilang pamilya ang mga manggagawa.
Batay sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations nitong Marso, 27.2 percent ng mga pamilyang Pilipino o 7.5 million na kabahayan ang nakakaranas ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan.
Nagtaas din aniya ng pasahe ang LRT at may petisyon din dagdag na P2 piso sa pasahe sa jeep at bus.
Mahalaga ani Nograles na masertipikahan bilang urgent ang panukala lalo at mayroon na lang nalalabing 6 na session days ang Kongreso oras na magbalik sa Hunyo.
“Once session resumes in June there will only be six days remaining to pass the bill. An urgent certification would help us bypass the three-session-day rule between the 2nd and 3rd reading passage of the proposed wage hike,” paliwanag niya.
Pasado na sa ikalawang pag-basa sa Kamara ang P200 legislated wage hike habang ang counterpart measure nito sa Senado ay napagtibay na sa ikatlong pagbasa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes