Suportado ni House Committee on Dangerous Drugs Chair Robert Ace Barbers ang panawagan na magkaroon na ng kahulugan ang political dynasty.
Kasunod ito ng inihaing petisyon sa Korte Suprema para obligahin ang Kongreso na tukuyin kung ano ang ibig sabihin ng “political dynasty” alinsunod sa Saligang Batas.
Sabi ni Barbers, sa kaniyang personal na opinyon ay panahon nang mabigyang kahulugan ang political dynasty at matukoy ang mga limitasyon nito.
“Yes, ako, personally, gusto ko yan. I-define ano ba ay ibig sabihin ng political dynasty? Ano ba ang limitation surrounding the interest of a certain say clan or family in running for public office? Dapat, siguro maklaro muna na hindi dyan. Bigyan ang definition and once ito yung maging batas, dapat talagang strict pagpatupad na itong mga batas na ito,” diin ni Barbers.
Positibo naman ang mambabatas na kakayaning makapagpasa ng isang anti-political dynasty law sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Kailangan lang aniya na magkaroon ng isang katanggap-tanggap na depinisyon ang political dynasty.
“I think if Congress will clearly come up with a definition and limitations that will be acceptable to the members of both the Senate and the House, sa tingin ko mapapasa natin nyan,” dagdag niya.
Sabi pa niya, na mayroong political will ang Pangulo para ito ay maisulong lalo na sa gitna ng kaniyang itinutulak na Bagong Pilipinas.
“So tingin ko meron, ito yung panawagan at layunin ng Bagong Pilipinas. Baguhin natin ang itsura ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagbago sa mga polisiyang pang-politikal, polisiyang pang-ekonomiya at siyempre mga polisiya ng ating gobyerno to really achieve the objectives of ang Bagong Pilipinas. So tingin ko meron political will ang ating Pangulo diyan,” sabi pa ni Barbers. | ulat ni Kathleen Forbes