Kinilala ni Speaker Martin Romualdez ang mahalagang papel ng irrigators association bilang katuwang sa pagtiyak ng food security sa bansa.
Sa ginanap na 2025 Nationwide National Irrigation Administration- Irrigators Association (NIA-IA) Congress, nangako ang lider ng Kamara ng patuloy na legislative support para sa mga irrigators na aniya’y frontliners sa food supply chain.
Pagbibigay-diin ni Romualdez, napakahalaga ng patubig sa buhay ng mga magsasaka kaya naman masasabi aniya kabilang ang mga IA sa bayani ng agrikultura.
“Hindi lang ito seminar. Hindi lang ito palitan ng mga plano. Ito ay pagtitipon ng mga tunay na bayani ng agrikultura – kayo… Hindi na po kailangang ipaliwanag pa kung gaano kahalaga ang papel ng patubig sa buhay ng magsasaka. Kung walang patubig, walang ani. Kung walang ani, walang pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino,” diin ni Romualdez.
Pangako niya na bilang Speaker, personal niyang tututukan ang mga panukalang batas na makakatugon sa mga pangangailangan ng mga magsasaka.
Kabilang na dito ang farm input, makinarya, subsidiya, pautang, water permit at scholarship para sa kanilang mga anak.
Kasabay nito ay hinikayat din niya ang mga lider ng IA at mga organisasyon ng magsasaka na makilahok sa mga pagdinig at deliberasyon sa Kongreso upang maiparating kung anong klaseng batas ang kanilang kailangan.
“Huwag kayong mahiyang magsalita. Hindi lang kayo tagapakinig. Kayo ang dahilan kung bakit may mga batas na kailangang likhain. At sa ilalim ng aking pamumuno sa House of Representatives, sisiguraduhin kong maririnig ang tinig ninyo. Habang ako po ang inyong Speaker, you can count on me to fight for you, to stand with you and to make sure that your voices turn into action, and your needs into legislation,” sinabi pa niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes