Klaro para kay Senate President Chiz Escudero ang naging pahayag ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na ang dapat paghandaan ng Pilipinas ay ang paglilikas sa libu-libong mga Pilipino sa bansang Taiwan.
Ito ay sa gitna ng banta na sakupin at lusubin ng bansang China ang Taiwan.
Nilinaw ni Escudero na hindi sinabi ni Brawner na makikisali ang Pilipinas sa gulo sa pagitan ng China at Taiwan, bagkus, ang papel lang aniya ng sandatahang lakas ng Pilipinas ay ang tiyakin na ligtas na maililikas ang mga kababayan natin.
Binigyang diin rin ng senate leader na dapat na ring magkaroon ng contingency plan ang gobyerno kung paanong maililikas o mae-evacuate ang mga Pilipino sa Taiwan sakaling matuloy ang kaguluhan doon.
Dapat aniyang may iba’t ibang plano na mailatag ang pamahalaan kung paanong mailikas mula sa delikadong mga lugar ang ating mga kababayan doon.
Ayon kay Escudero, ito ang dapat na trabahuhin ng Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), maging ng Philippine Coast Guard (PCG), at AFP. | ulat ni Nimfa Asuncion