Photo courtesy of Legazpi LGU
Sumentro ngayong araw, April 1, 2025 ang ika-80 taong komemorasyon ng Legazpi Gulf Landing sa pagbibigay-pugay sa kabayanihan at sakripisyo ng ating mga beterano, gayundin sa tulong ng tropang Amerikano sa pakikibaka para sa kalayaan laban sa mga dayuhang mananakop.
“Huwag nating kalilimutan ang sakripisyo, kabayanihan, at tapang ng ating mga beterano. Ang kanilang ambag sa kasaysayan ay kailangang manatiling buhay sa puso at isipan ng bawat Pilipino, lalo na ng mga kabataan”, mensahe ni Legazpi Mayor Alfredo Garbin Jr.
Walong dekada na ang nakalipas mula nang magsama ang mga gerilyang Pilipino at puwersa ng mga kaalyado upang palayain ang Lungsod ng Legazpi mula sa pananakop.
Ang matagumpay na paglapag sa Legazpi Gulf ay naging hudyat ng pagbagsak ng kapangyarihan ng mga Hapones sa Albay at sa buong rehiyon ng Bicolandia.
Ngayon, inaalala at binibigyang-pugay ang mga sundalo, mandirigmang gerilya, at mga sibilyang nagbuwis ng buhay alang-alang sa kalayaan. Ang kanilang tapang at determinasyon sa gitna ng panganib ay patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa bagong henerasyon ng mga Pilipino.
“Mahalagang maipasa sa kabataan ang kahalagahan ng Battle of Legazpi—isang paalala na ang kalayaang tinatamasa natin ngayon ay bunga ng dugô at pawis ng ating mga ninuno. Ngunit sa kabila ng tagumpay noon, mayroon pa rin tayong mga laban ngayon: laban sa kahirapan, kagutuman, katiwalian, kawalan ng trabaho, at kakulangan sa maayos na tirahan para sa mga Legazpeño,” dagdag ni Mayor Garbin.
Sa okasyong ito ng paggunita, muli nating pagtibayin ang ating panata sa kapayapaan, pagkakaisa, at pagmamahal sa bayan. | ulat ni Nancy Mediavillo | RP Albay