Isasagawa na bukas ng Office of Civil Defense (OCD) ang ikalawang Earthquake Preparedness Summit bilang bahagi ng kampanya para palakasin ang kahandaan ng bansa sa malalakas na lindol.
Ayon kay OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, napapanahon ang dalawang araw na summit dahil sa posibleng paggalaw ng West Valley Fault na huling gumalaw noong 1658.
Kabilang sa mga kalahok sa pagsasanay ang local planners at responders na sasabak sa mga tabletop exercise.
Lalahok din sa summit ang mga eksperto mula sa PHIVOLCS, DPWH, MMDA, DSWD, at iba pang ahensya.
Magsisilbing platform ang pagtitipon para sa pagbuo ng Harmonized National Contingency Plan na naglalaman ng mga detalye ng pre-arranged response actions sa buong bansa sakaling tumama ang malakas na lindol sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Inaanyayahan ng OCD ang publiko na makiisa at panoorin ang livestream ng programa sa Facebook page ng Civil Defense PH, simula alas-8:30 ng umaga bukas. | ulat ni Diane Lear