Nag-abiso na ang Maynilad sa mga customer nito sa Makati, Manila, Parañaque, at Pasay City na posibleng maapektuhan ng gagawing major pipeline interconnection works sa susunod na linggo.
Ayon sa Maynilad, naka-iskedyul ang naturang aktibidad simula alas-9 ng gabi ng Lunes, April 7, hanggang bago maghatinggabi ng Martes, April 8 o tatagal ng higit 24 oras.
Partikular na isasagawa ang pipe interconnection sa bahagi ng Anonas Street (malapit sa Polytechnic University of the Philippines); loob ng ng PNR property (malapit sa Ilog Pasig), at 900 mm-diameter pipeline sa kanto ng Mabini Street at UN Avenue, sa Maynila.
Kasabay din nito ang gagawing maintenance work sa Villamor Pumping Station at Reservoir, Pasay.

Paliwanag ng Maynilad, ang interconnection activities na ito ay bahagi ng pipe realignment project bilang suporta sa North-South Commuter Railway (NSCR) initiative ng Department of Transportation (DOTr) at Philippine National Railways (PNR).
Layon din ng proyekto na mabawasan ang water losses at mapabuti ang suplay at presyon ng tubig sa lugar.
Nakapaskil na sa official social media page ang mga apektadong barangay.
Pinapayuhan naman ang lahat ng apektadong customer na mag-ipon ng sapat na tubig bago ang nakatakdang gawain.
Magpapadala rin ang Maynilad ng mobile water tankers upang magbigay ng malinis na tubig sa mga nangangailangan at magtatalaga ng stationary water tanks sa piling lokasyon para sa mas madaling access sa tubig. | ulat ni Merry Ann Bastasa
