Natapos na ng Philippine Air Force (PAF) ang imbestigasyon kaugnay ng pagbagsak ng FA-50 fighter jet sa Mt. Kalatungan, Bukidnon noong Marso 4 na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang piloto.
Sa pulong balitaan sa Tanay, Rizal, sinabi ni PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo na lumabas sa imbestigasyon na walang technical o mechanical failure na naging sanhi ng insidente.
Ito ay batay sa mga datos na nakuha at sinuri mula sa eroplano.
Ayon kay Castillo, ang pangunahing dahilan ng insidente ay ang mga environmental factors gaya ng panganib ng night flying at ang hamon ng paglipad sa bulubunduking lugar.
Lumabas din sa imbestigasyon ang operational risks na dala ng komplikadong operasyon ng maraming sasakyang panghimpapawid sa isang combat mission.
Sa kabila ng trahedya, umapela ang PAF sa publiko na iwasan ang sisihan at palalimin ang pag-unawa sa mga panganib na kaakibat ng bawat misyon ng kanilang mga piloto.
Tiniyak din ng PAF na mas paiigtingin pa nila ang mga safety protocol upang maiwasan ang katulad na insidente sa hinaharap. | ulat ni Diane Lear