Iginagalang ng Philippine National Police (PNP) ang inilabas na travel advisory ng China para sa mga mamamayan nito.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Col. Randulf Tuaño, mandato ng pulisya na protektahan at paglingkuran ang sinumang nasa Pilipinas maging Pilipino o dayuhan man.
Kasunod nito, pinalagan naman ng PNP ang alegasyon ng China hinggil sa umano’y harassment na dinaranas ng kanilang mga mamamayan sa Pilipinas.
Ayon kay Tuaño, malinaw sa kanilang sinumpaang tungkulin na ipatupad ang batas sa lahat ng lumalabag kahit pa ang mga dayuhan na gumagawa ng iligal na aktibidad.
Magugunitang sunod-sunod ang mga panghuhuli ng mga awtoridad lalo na ang mga sangkot sa POGO at paniniktik na pawang kinasasangkutan ng mga Tsino. | ulat ni Jaymark Dagala