Simula ngayong araw, Abril 6, hindi na tatanggap ng aplikasyon ng Japan visa ang mga dating accredited agencies sa Pilipinas.
Ito ay kaugnay ng pagbubukas ng Japan Visa Application Center (JVAC) upang mapabuti ang serbisyo at bigyang ginhawa ang mga nagnanais mag-apply ng visa patungong Japan.
Ang bagong JVAC ay pamamahalaan ng VFS Service Philippines, Inc. at magsisimula ng operasyon bukas, Abril 7. May limang sangay ito sa Parañaque, Makati, Quezon City, Cebu, at Davao.
Tatanggap ng aplikasyon tuwing Lunes hanggang Biyernes mula 7:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon ang Luzon branches, habang hanggang 12:00 ng tanghali naman sa Cebu at Davao.
Ang paglabas naman ng visa at pasaporte ay isasagawa mula 7:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon, habang sarado ito tuwing Sabado, Linggo, at holidays ng Embahada.
Paalala rin ng Embahada, ang aplikasyon ay may kaakibat na bayad sa visa at paggamit ng center.
Para sa appointment at iba pang detalye, bisitahin ang opisyal na website ng JVAC o makipag-ugnayan sa kanilang help desk. | ulat ni EJ Lazaro