Pinawi ng Malacañan ang pangamba ng publiko, kaugnay sa military exercises ng China, sa palibat ng Taiwan.
Ang pahayag na ito ni Communications Usec Claire Castro ay kasunod na rin ng una nang direktiba ng AFP sa Northern Luzon Command na maging handa, anuman ang maging aksyon ng China laban sa Taiwan.
Sa press briefing sa Malacañan, sinabi ng opisyal na hindi dapat ikaalarma ng publiko ang aksyon na ito ng AFP, lalo’t ginagawa lamang ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang kanilang mandato sa taumbayan.
“Tama lamang po na magkaroon po siya ng reminder sa buong troops, para na rin po sa taumbayan na we should always be prepared in all contingencies. Iyon lamang po at kung may mga detalye pa po patungkol dito ay hahayaan na lamang po natin si Secretary Teodoro at saka si AFP Chief Romeo Brawner ang sumagot po diyan.” —Usec Castro.
Kailangan lamang aniya na handa ang contingency measures ng gobyerno, sakaling mauwi sa hindi inaasahang pangyayari ang military exercise ng China.
Pagbibigay-diin pa ng opisyal, sakaling kailanganin rin ng repatriation o pagpapauwi sa mga Pilipino na nasa Taiwan ngayon, makakaasa ang mga Pilipino doon na hindi sila pababayaan ng Marcos Administration.
“Sa mga ganyang contingencies, kung magaganap po, kung magaganap lagi po tayong handa, katulad po ng sinabi ni AFP Romeo Brawner, lagi tayo dapat handa sa anumang contingency. Kung mangyari man po iyan, hindi po tayo dapat magtulog-tulog sa ating posisyon at sa trabaho, lagi po tayong handa. Pero again, ang detalye pong iyan ay ibibigay po natin sa ating Defense Secretary at kay AFP Chief Brawner.” —Usec Castro. | ulat ni Racquel Bayan