Nagpapakita ng bahagyang pagbuti sa kanyang kondisyon sa paghinga si Pope Francis, ayon sa pinakahuling ulat ng Holy See Press Office araw ng Biyernes sa Roma.
Ayon sa Vatican, nananatiling positibo ang disposisyon ng 88-anyos na Santo Papa habang nagpapatuloy ang kanyang gamutan para sa respiratory, motor, at pharmaceutical therapy. Bagamat patuloy ang paggamit niya ng supplemental oxygen, bahagyang bumaba na ang kanyang pangangailangan dito. Sa araw, standard oxygen therapy ang isinasagawa sa Santo Papa, habang sa gabi ay high-flow oxygen ang ibinibigay kung kinakailangan.
Ipinahayag din ng mga opisyal na may pagbuti na sa kanyang mobility, boses, at bahagyang improvement sa infection markers batay sa pinakabago nitong blood test.
Sa kabila ng kanyang kondisyon, nananatiling aktibo ang Santo Papa sa kanyang tungkulin, kabilang na ang virtual na pagdalo sa misa para sa ika-20 anibersaryo ng kamatayan ni St. John Paul II nitong Miyerkoles.
Inaasahan naman na magkakaroon ng pagbabago sa pagdiriwang ng Angelus ngayong araw ng Linggo, habang nananatiling hindi tiyak ang kanyang partisipasyon sa mga aktibidad ngayong Holy Week.
Nakatakda namang ilalabas ang susunod na opisyal na update sa kondisyon ng Santo Papa sa Abril 8, habang nakatakda na ang schedule para sa Holy Week na mag-uumpisa sa Palm Sunday Mass sa Abril 13 sa St. Peter’s Square.| ulat ni EJ Lazaro