Patuloy sa pag-iikot ang mga tauhan ng Quezon City Health Department of QC Epidemiology and Surveillance Division para protektahan ang mga residente lalo na ang mga kabataan laban sa sakit na tigdas.
Kasama sa tinututukan ang Barangay Commonwealth na nakapagtala ng 25 bilang ng kaso o 19.53% ng kabuuang kaso ng tigdas sa lungsod as of March 28, 2025.
Paalala ng QC LGU, mayroong libreng check-up at bakuna kontra tigdas sa lahat ng health centers sa lungsod.
Sa katunayan, patuloy ang ginagawang vaccination sa komunidad sa mga batang limang taong gulang pababa upang maprotektahan sila sa tigdas.
Bilang tugon, magkakaroon ng health education campaign sa buong barangay kabilang ang mga paaralan upang palakasin ang kampanya laban sa tigdas.
Nakipagpulong din ang QCHD at QCESD sa Bangsamoro Community sa Brgy. Commonwealth para sa immunization ng mga batang hindi pa kumpleto ang bakuna sa tigdas. | ulat ni Merry Ann Bastasa