Sa tulong ng artificial intelligence (AI), mas mapapadali na ngayon para sa mga doktor ang pagbibigay ng serbisyo sa mga nangangailangang Pilipino.
Ito ay kasunod ng paglulunsad ng DocMate AI na pinakabagong innovation ng Filipino Tech Company na 1Life Inc.

Ito ang ang kauna-unahang AI-powered doctor’s assistance platform sa Pilipinas na dinisenyo para tulungan ang mga doktor na makapagbigay ng diagnosis nang mas mabilis at mas eksakto, gamit ang teknolohiya na naka-integrate sa kanilang Doctor’s Patient Management System.

Opisyal na ipinakilala ng 1Life ang DocMate AI sa isang medical mission sa Barangay Sta. Lucia, Novaliches, Quezon City, kung saan mahigit 200 benepisyaryong residente ang nabigyan ng libreng diagnostic services.

Paliwanag ni Niño Namoco, Presidente ng 1Life Inc., sa tulong ng platform, mapapagaan ang trabaho ng doktor sa pagsusuri ng datos ng pasyente mula sa diagnostic tests, medical history; vital signs, at iba pang kaugnay na impormasyon upang makabuo ng mungkahing diagnosis.
Bagama’t gumagamit ng AI integration, tiniyak naman ng kumpanya na ang mga resulta mula sa platform ay dumaraan pa rin sa verification at desisyon ng kanilang mga doktor at medical professionals.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang kumpanya sa Philhealth at DOH para sa pag-integrate nito sa Konsulta Program.
Ngayong 2025, target ng 1Life na maabot sa naturang healthcare service ang nasa isang milyong pilipino. | ulat ni Merry Ann Bastasa