Walang tina-target na partikular na nationality ang pamahalaan kaugnay ng law enforcement operations ng mga awtoridad.
Ito ang siniguro ng Malacañang, matapos maglabas ng travel advisory ang Chinese Embassy para sa kanilang mamamayan na nasa Pilipinas.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro na ang paglalabas ng travel advisory ay normal na consular functions lamang.
“Ang kanilang mga travel advisory is just a normal consular function of China. At we can assure China na hindi na po tayo nagta-target ng particular nationality or particular national na para i-harass,” pahayag ni Usec. Castro.
Kung matatandaan, nakasaad sa travel advisory na pinag-iingat ng Embahada ng China ang kanilang mamamayan laban sa umano’y posibleng harassment ng mga awtoridad.
Binigyang-diin nito na lahat ng national ay welcome sa Pilipinas, basta wala itong nalalabag na batas.
“Tandaan po natin, lahat po dito ay welcome, except po, of course kapag gumagawa po ng krimen. I-implement po natin kung ano po ang batas. Malamang po nasasabi po nila ito, dahil sa ating pagpapatupad dito sa POGO na dapat ay mawala na sa atin, at karamihan po dito ay mga Chinese nationals,” dagdag pa ni Usec. Castro.
Sinabi ni Castro, posibleng nasabi ng Chinese Embassy na hina-harass ang kanilang mga mamamayan dahil sa pinaigting na operasyon ng mga awtoridad kontra POGO sa bansa na ang karamihan sa mga nahuhuli ay Chinese nationals.
“So, malamang po ay isa ito sa nagiging isyu po. Pero, muli ang DFA ay open po for discussion regarding this at i-assure natin muli ang China na wala po tayong tina-target na particular national,” ani Castro. | ulat ni Racquel Bayan