Pinag-aaralan pa ng Senate legal team ang hiling ng Senate Committee on Foreign Relations, na pinamumunuan ni Senator Imee Marcos, na ipa-subpoena ang ilang mga opisyal ng ehekutibo at padaluhin sa ginagawa nilang pagdinig tungkol sa naging pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang sa mga pinapa-subpoena ng senate panel sina Prosecutor General Richard Anthony Fadullon at si Philippine Air Force Chief Lieutenant General Arthur Cordura.
Sa kapihan sa senado, sinabi ni Senate President Chiz Escudero, na bagamat napirmahan na niya ang mga subpoena ay minabuti niyang ipaaral muna ito sa legal team ng senado para maiwasan ang constitutional crisis.
Paliwanag ni Escudero, tila taliwas kasi ang pagpapa-subpoena sa mga opisyal ng ehekutibo sa iginigiit ng Malacañang na executive privilege.
Una nang lumiham si Executive Secretary Lucas Bersamin kina Escudero at Marcos, para sabihing hindi na nila nakikita ang pangangailangan na dumalo pa sa pagdinig ng komite ni Senador Marcos, dahil nasagot na nila ang mga paksang hindi sakop ng executive privilege.
Giit ngayon ni SP Escudero, kinikilala naman ni Escudero ang executive privilege base na rin sa naunang mga desisyon ng Korte Suprema, kaya naman nanghihingi muna siya ng rekomendasyon mula sa legal team ng Mataas na Kapulungan kung ano ang tamang gawin.
Sa pagdinig ngayong araw, hindi na dumalo ang karamihan sa mga opisyal ng ehekutibo.
Dahil dito, pinapa subpoena na rin ng komite ang mga executive official na hindi dumalo sa pagdinig ngayon araw, at sinabi ni Senate President Escudero na kasama na itong mga bagong subpoena sa ipapaaral nila sa legal team. | ulat ni Nimfa Asuncion