Nanawagan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga Transport Network Companies (TNCs) at Transport Network Vehicle Services (TNVS) na mahigpit na ipatupad ang 20% na diskwento sa pamasahe para sa mga estudyante, senior citizens, at persons with disabilities (PWDs).
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2025-10, ipinag-utos ng LTFRB na ang diskwento ay pantay na hahatiin o tig-50% ang TNC at TNVS operator, at hindi na dapat ipapasa sa mga driver, maliban kung ang operator mismo ang nagmamaneho.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, napansin nila sa mga pagdinig sa Kongreso na iba-iba ang pamamaraang ginagamit ng mga ride-hailing company sa pagkuwenta ng hatian sa diskwento.
Dahil dito, naglabas ang ahensya ng bagong memorandum para maiwasan ang kalituhan sa implementasyon.
Nabatid na simula sa simula April 7 ay pantay na sasaluhin ng TNC at TNVS operator ang 20% na diskwento sa pamasahe para sa mga estudyante, senior citizens, at PWD. | ulat ni Diane Lear