Sa direktiba ni Transportation Secretary Vince Dizon, iniutos ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang pagde-deploy ng mga enforcer ng ahensya sa mga expressway sa Luzon na pinapatakbo ng San Miguel Corporation (SMC).
Ito ay sa gitna ng kilos-protesta ng mga deputized enforcers sa South Luzon Expressway (SLEX), na bunsod ng labor dispute.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Mendoza, layon ng deployment na masigurong mananatiling maayos ang daloy ng trapiko sa naturang expressway.
Dagdag pa nito, kailangan ng intervention ng ahensya sa isyu dahil nakataya rito ang kaligtasan ng mga motorista sa mga apektadong lugar.
Batay sa utos ng LTO Chief, ang mga enforcer ng LTO Region 1 at Region 3 ay itatalaga sa Tarlac–Pangasinan–La Union Expressway (TPLEX) habang ang mga enforcer ng NCR ay tutulong sa mga deputized enforcer sa Skyway.
Ang LTO-CALABARZON naman ang naatasang tumulong sa SLEX at iba pang SMC-operated expressways sa Southern Tagalog area.
Samantala, ang mga enforcement team mula sa LTO Central Office ay itatalaga sa mga expressway na nangangailangan ng dagdag na tauhan.
Umaasa naman si Asec. Mendoza, na mareresolba agad ang isyu bago pa ang inaasahang dagsa ng mga biyahero para sa darating na Semana Santa. | ulat ni Merry Ann Bastasa