Nakikiisa si Representative Marissa Magsino sa panawagan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief General Romeo Brawner na kailangang paghandaan ang posibleng pagsiklab ng tensyon sa Taiwan.
Kasunod ito ng pagsasagawa ng military exercise ng China sa palibot ng Taiwan.
Giit ni Magsino, mahalagang may malinaw na contingency plan para masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng nasa 152,000 overseas Filipino workers (OFWs) na naroroon.
Dapat din aniya ay nakakasa na ang preventive repatriation kung sakaling kailanganin, lalo na sa dami ng mga OFW na kailangan iligtas kung sakali.
Bukod naman sa Taiwan, mahalaga rin ani Magsino na paghandaan ang posibleng epekto nito sa ating bansa lalo na sa mga probinsya sa hilaga, maging sa epekto nito sa ibang bansa sa Silangan at Timog-Silangang Asya kung saan marami ring OFWs.
Hiling pa ng lady solon, na manatiling mapagmatiyag lalo na ang Manila Economic and Cultural Office (MECO) upang tiyakin ang seguridad ng ating mga kababayan sa Taiwan. | ulat ni Kathleen Forbes