Pinasisiguro ni Senadora Grace Poe na magiging fully operational at passenger-ready ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong Semana Santa.
Ayon kay Poe, dapat tiyaking magiging komportable ang mga biyahero sa pamamagitan ng malilinis na palikuran, gumaganang air-conditioning units, at maaasahang suplay ng kuryente at tubig. Sa gitna ng matinding init ng panahon, dapat rin umanong siguraduhin na malamig at maayos ang bentilasyon ng buong paliparan.
Bukod sa mga pasilidad, iginiit ng senadora ang kahalagahan ng sapat na bilang ng mga naka-duty na tauhan para sa check-in, baggage handling, immigration, at security screening. Dapat din aniyang may medical at customer service staff na handang umalalay sa mga pasaherong maaaring makaranas ng aberya.
Dagdag pa ni Poe, mahalaga ring masigurong gumagana ang e-gates at baggage systems. Inaasahan din ng senadora na mararanasan na ang ginhawa sa ilalim ng bagong NAIA Infra Corporation, tulad ng centralized hub para sa taxis at app-based cars, pati na rin ang mas maluwag na driveway lanes.
Binigyang-diin ni Poe ang kahalagahan ng mahusay na pamamahala sa operasyon ng paliparan. Kaya’t umaasa siyang makikipagtulungan ang Department of Transportation (DOTr) sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, airport authorities, PNP Aviation Security Group, airlines, at ground service providers upang matiyak ang maayos at ligtas na biyahe ng publiko ngayong Holy Week. | ulat ni Nimfa Asuncion