Hindi gaanong nababahala si House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda sa ipinataw na taripa ng US para sa mga iniluluwas na produkto ng Pilipinas patungo sa Estados Unidos.
Ayon kay Salceda, karapatan ng isang malayang bansa kung ano ang gusto nilang ipatupad na trade policy.
Kung titignan din aniya, mas mababa ang 17% na taripang ipinataw sa Pilipinas, kumpara sa mga kakumpetisyon nating bansa kaya mayroon pa rin aniyang oportunidad para sa ating panig.
“Sovereign countries can do as they please with their trade policy. I’m frankly surprised the tariff rates imposed on us turned out lower than I expected. Among our competitors, the Philippines was imposed relatively lower retaliatory tariffs, so there are, possibly, some opportunities to explore.” Saad niya.
Pero kailangan aniya magkaroon ng komprehensibong estratehiya ang Department of Trade and Industry sa posibleng epekto nito sa ating ekonomiya, partikular sa textile at footwear sector.
Kabilang aniya sa mga maaaring tulong ang ayuda, job retraining at unemployment assistance sakaling may mawalan ng trabaho sa naturang mga sektor.
Tinukoy naman ng economist solon na ang pinakahamon para sa pagiging competitive ng Philippine export ay hindi ang taripa bagkus ay ang mataas na singil sa kuryente at pagtatayo ng negosyo sa bansa.
Ito aniya ang isa sa mga insentibo na tinugunan ng CREATE MORE Act ngunit kailangan pa gumawa ng pinaghusay na hakbang para ito ay masolusyunan.
“The biggest hindrance to Philippine export competitiveness is not tariff rates, but power cost and the cost of doing business. We need to continue making strides in this area. The incentives under the CREATE MORE Act, especially the increased power cost deduction, help address these issues.” dagdag pa niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes