Mga pangalang katunog ng kilalang mga personalidad sa sine at pelikula naman ang nadiskubre sa listahan ng mga umano’y nakatanggap ng P612.5 million confidential fund mula OVP at DEPED sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Kabilang sa mga pangalang ibinahagi ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega na binayaran ng confidential fund ng OVP sina Honeylet Camille Sy, Feonna Biong, Feonna Villegas, at Joel Linangan.
Habang nasa listahan naman ng DEPED sina Fiona Ranitez, Ellen Magellan, Erwin Q. Ewan, at Gary Tanada.
Sabi ni Ortega, hindi na nakakatawa ang paulit-ulit na paggamit ng mga pekeng pangalan na parang hinugot mula sa sine at showbiz.
Pawang wala ring mga record ng kapanganakan, kasal o kamatayan ang mga indibidwal sa PSA.
Nauna nang isiniwalat ni Ortega ang miyembro ng binansagan niyang “Budol Gang” na kasama ni Mary Grace Piatos sina Xiaome Otso, Miggy Mango at Jay Camote, pati na ang ‘Dodong Gang”, “Team Amoy Asim” at “Team Grocery.”
Giit ng House leader, ang kawalang ng ebidensya na tunay ang mga taong ito, ang siya ring magiging matibay na ebidensya sa impeachment trial.
Paalala pa niya na batay sa COA joint circular, ang mga pangalan para sa confidential fund ay nasa isang sealed envelope at nakatago sa isang vault.
“Kung paulit-ulit na gumamit ang OVP at DepEd ng fictitious names, it is a strict requirement na dapat meron silang journal na nagdo-dokumento kung ano ang tunay na pangalan ng mga ito…So, with all these aliases used, the burden of proof na totoo ba o hindi ang mga taong ito lies with the head of agency – in this case, the Vice President,” diin niya. | ulat ni Kathleen Forbes