Nanawagan ang Malacañan sa mga Pilipinong botante abroad na gamitin ang kanilang karapatang makaboto, mag-halal ng nararapat na kandidato at huwag magpadala sa bulong o impluwensya ng ilan, sa gagawing pagboto.
Sa pagsisimula ng overseas voting na tatagal hanggang sa Mayo, hinikayat ni Communications Undersecretary Claire Castro ang mga overseas voter na bumoto mula sa puso, at hindi dahil sila ay nabayaran.
Kailangan aniyang piliin ang mga lider na karapat-dapat, maaasahan, at hindi ibibenta ang bansa sa ibang nasyon.
“Iyan po ay karapatan po talaga nila. Dito po nila maipapakita ang kanilang boses. Ang ating mensahe mula po sa Palasyo ay gampanan ninyo po ang inyong tungkulin bilang isang Pilipino. Bumoto po kayo nang nararapat. Bumoto po mula sa puso.” -Usec. Castro
Ang kailangan aniya ng Pilipinas ay iyong mga lider na makabayan.
“Huwag pong bumoto dahil lamang sa bulong o dahil kayo ay nabayaran kundi iboto ninyo po ang mga taong nararapat, iyong maaasahan po natin, mga lider na hindi ibebenta ang bansa kahit sa anumang paraan at mga lider na makabayan.” -Usec. Castro
Para sa May elections, gumugulong na rin ang internet voting para sa OFWs.
Umaasa ang Palasyo, na maging maayos ang resulta ng sistemang ito lalo’t pabibilisin nito ang pagboto ng mga Pilipino sa ibang bansa.
“Sana po mas maging mas maayos po ito at dahil po dito ay mas mapapabilis po ang pamamaraan ng pagboto ng ating mga kababayan.” -Usec. Castro | ulat ni Racquel Bayan