Nananawagan ang Malacañang sa mga Pilipino na nagnanais magtrabaho sa ibang bansa, na siguruhin ang pagsunod sa tamang proseso upang maiwasan ang panloloko at illegal na mga transaksyon.
Kasunod ito ng mga ulat na may ilang Pilipinong nabibiktima ng scam hubs sa mga kalapit-bansa ng Pilipinas, tulad ng Myanmar.
Sa press briefing sa Malacañang, pinaalalahanan ni Communications Undersecretary Atty. Claire Castro ang publiko na huwag makipag-transaksyon sa mga trabahong hindi rehistrado o walang pakikipag-ugnayan sa gobyerno.
“Unang-una po, nakikiusap po tayo sa mga Pilipino na nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa: Dumaan lang po sana sa tamang proseso. Huwag po silang, kumbaga, makikipag-transact nang hindi alam po ng gobyerno. Kaya nga po tayo may POEA para po sila ay mabigyan ng seguridad na ang kanilang pupuntahan, sila po ay safe.” —Usec. Castro
Aniya, kaya itinatag ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ay upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga overseas Filipino worker sa pupuntahang bansa.
Mahalaga rin aniya ang pakikipagtulungan ng publiko upang maiwasan ang pananamantala ng mga illegal recruiter.
“Maliban po sa gagawin po ng gobyerno, makipagtulungan po sana ang ating mga kababayan. Mahirap naman po kadalasan kapag mahigpit naman po ang ating officers sa Bureau of Immigration, nao-offload minsan, hindi rin po maganda. So, kayo na rin po, makipagtulungan na rin po kayo sa gobyerno para po maiwasan natin iyong mga ganitong klaseng sitwasyon.” —Usec. Castro
Kung matatandaan, nitong nakalipas na linggo, napauwi sa bansa ang halos 200 OFWs na nailigtas mula sa scam hub sa Myanmar. | ulat ni Racquel Bayan