Pinapurihan ni Representative Rodolfo Ordanes ang inilabas na kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan simula April 7, ay pantay na sasaluhin ng ride-hailing companies at transport network vehicle service (TNVS) operators at drivers ang 20% fare discounts para sa mga estudyante, senior citizens, at persons with disabilities.
Aniya, isa itong economic relief para sa TNVS drivers na dati ay mas malaki ang pinapasang gastos o bawas sa kita dahil sa diskwento.
Hindi naman kasi aniya tama na ang driver ang pumasan ng mas malaking bahagi ng kabawasan o diskwento, maliban na lang aniya kung siya rin ang operator, batay na rin sa kautusan ng LTFRB.
“It is but right and just that the TNCs and TNVS operators bear the fare discounts jointly and equally between them because they are the primary economic beneficiaries and operators of their businesses,” ani Ordanes.
Para naman masiguro ang tamang implementasyon nito ay hinikayat ng kongresista ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na maglabas ng kaparehong kautusan kung paano ipatutupad ang diskwento na hindi ito ipasasalo o ibabawas sa kita ng TNVS drivers. | ulat ni Kathleen Jean Forbes