Aprubado na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagkakaroon ng karagdang 1,224 na posisyon sa Philippine General Hospital (PGH), na kilala bilang isa sa pinakamalaking pampublikong tertiary hospital sa buong bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Usec. Claire Castro na alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paghusayin at hasain pa ang mga serbisyong ipinagkakaloob sa taumbayan.
“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na makapagbigay ng mahusay at mahasang serbisyo, inaprubahan ng Department of Budget and Management ang dagdag na 1,200 na karagdagang posisyon sa Philippine General Hospital.” — Usec Castro.
Ayon sa opisyal, palalakasin lamang ng hakbang na ito ang organizational at manpower capacity ng ospital, simula ngayong 2025 hanggang 2027.
“Ito ay bilang tugon sa kahilingan ng UP-PGH na palakasin ang organizational at manpower capacity ng hospital upang higit na makapagbigay ng dekalidad na healthcare services sa mga pasyente nito lalo na sa mga Pilipinong higit na nangangailangan.” — Usec Castro.
Magre-resulta ito sa pagbibigay ng mas dekalidad na serbisyo sa mga pasyenteng dumudulog dito.
“Alam naman po natin na napakarami pong mga Pilipino ang talagang pumupunta sa PGH dahil po ito’y nakakapagbigay ng magandang serbisyo at maaari pong napakaliit na kanilang babayaran kapag po sila ay pumunta sa PGH. Kaya po minabuti po at sa direktiba na po ng ating Pangulo, si Pangulong Marcos Jr., na madagdagan pa po ang maaaring maging manpower, ang maaaring magsilbi sa nasabing ospital para mas marami pa pong Pilipino ang mabibigyan ng magandang serbisyo.” — Usec Castro. | ulat ni Racquel Bayan