Naglabas ng direktiba ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa lahat ng mga driver nito na mahigpit na sumunod sa batas at regulasyon sa trapiko.
Ayon sa DAR, layon ng hakbang na ito na suportahan ang mga programa ng pamahalaan sa pagpapatupad ng maayos na daloy ng trapiko at matiyak ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.

Sa memo na nilagdaan ni Undersecretary Lani De Leon ng Finance, Management, and Administrative Services, binibigyang-diin ang pagsunod sa batas trapiko na hindi lang isang legal na tungkulin kung hindi isang mahalagang hakbang upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Ano mang paglabag lalo na ang sinadyang hindi pagsunod sa mga awtoridad sa trapiko ay may kaakibat na parusa, kung saan ang third offense ay maaaring humantong sa suspensyon o pagkakatanggal sa trabaho.
Dagdag pa rito, inaatasan ang mga driver na iulat agad sa kanilang nakatataas ang ano mang paglabag sa loob ng 24 oras upang matiyak ang transparency at agarang aksyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa