Photo courtesy of Quezon City Police District
Inisyuhan na ng show cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang rehistradong may-ari at drayber ng pampasaherong jeep na sangkot sa aksidente sa Commonwealth kahapon (April 13) at ikinasawi ng dalawang katao.
Ayon kay LTO Chief, Asec. Atty. Vigor D. Mendoza II, pinagpapaliwanag ang drayber ng jeep kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa kaugnay ng mga kasong ‘Reckless Driving’ (Sec. 48 ng R.A. 4136) at pagiging ‘Improper Person to Operate a Motor Vehicle’ (Sec. 27(a) ng R.A. 4136).
Sa ngayon, suspendido na rin ng 90 araw ang lisensiya ng nahuling drayber habang inatasan na rin ang rehistradong may-ari na dalhin ang jeep sa LTO Central Office sa Quezon City para sa inspeksyon at pagsusuri, kasama ang mga dokumento ng prangkisa nito.
Batay sa paunang imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang 6:30 AM sa Commonwealth Avenue malapit sa Kasunduan Street nitong Linggo, April 13 kung saan nabangga ng pampasaherong jeep ang likurang kaliwang bahagi ng isang modernong jeep.
Dahil dito, tumagilid ang pampasaherong jeep at bumangga pa sa kanang bahagi ng isang sedan.
Dalawang katao ang nasawi at ilan pa ang nagtamo ng malulubhang sugat. | ulat ni Merry Ann Bastasa