Pinagpapaliwanag ng Commission on Elections (COMELEC) si Pasay City Councilor at mayoralty candidate Editha “Wowee” Manguera kaugnay ng umano’y pahayag nito ng diskriminasyon laban sa mga dayuhang estudyante sa Pasay City General Hospital.
Ito ay matapos ang kumalat na video sa social media kung saan maririnig ang pahayag ng konsehal na nagsabing “tanggalin na natin ang bumbay para mawala na ang amoy sibuyas sa Pasay Gen.”
Ayon sa COMELEC, posibleng lumabag si Manguera sa Anti-Discrimination at Fair Campaigning Guidelines na nakapaloob sa Resolution No. 11116, o paglabag sa patas at makataong pagtrato sa lahat ng tao anuman ang lahi o pinagmulan.
Binigyan ng tatlong araw ang konsehal para magsumite ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan o madiskwalipika sa halalan. | ulat ni Lorenz Tanjoco