Siniguro ng Malacañang ang mabilis na aksyon ng pamahalaan upang maresolba ang mga insidente ng karahasan at bullying sa mga paaralan, kung saan sangkot ang ilang maga-aral.
“Kinokondena po kung anuman po na bullying, pangha-harass sa mga estudyante po natin/sa mga kabataan po. At kanina rin po nakausap po natin si Asec. Irene Dumlao sa mga ganito pong sitwasyon ay iyong mga social worker po na naka-assign, pumunta an rin po sa mga schools na nabanggit sa mga involved po ngayon at tinulungan po sila agad.” —Usec. Castro
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro, na agad pinuntahan ng mga social worker ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga sangkot na paaralan, upang mag-imbestiga at magbigay ng kinakailangang tulong sa mga estudyante.
Ang Department of Education (DepEd) ay nagsasagawa na aniya ng malalimang pagsisiyasat sa insidente.
“At sabi nga po natin, kahit po ang ating DepEd ay nagkaroon na rin po ng pag-iimbestiga rito specially po iyong tungkol sa nangyari sa Las Piñas, kinausap na po ang principal po dito at ang SDO.” —Usec. Castro
Kung matatandaan, kamakailan ay napaulat ang pagkamatay ng dalawang senior high school students sa Las Piñas matapos saksakin ng kapwa estudyante, gayundin ang pananaksak ng isang lalaking estudyante sa kaklaseng babae sa Parañaque.
Bukod pa dito ang viral video ng isang estudyante, na pinagtulungang sabunutan at sipain ng kanyang mga kaklase sa loob ng classroom.
“So, hinihintay na lang po natin ang ibang mga detalye po at ginawaan na po talaga agad ng agarang aksiyon ito ng pamahalaan sa pamamagitan din po ng direktiba nga ting Pangulo.” —Usec. Castro | ulat ni Racquel Bayan