Nagpahayag ng matinding pagkondena ang women’s group na Gabriela laban sa Pasig congressional candidate at abogado na si Atty. Christian “Ian” Sia dahil sa umano’y bastos na pahayag laban sa mga solo parent sa isang campaign sortie.
Ayon kay Gabriela Secretary-General Clarice Palce, malinaw na ang sinabi ni Sia ay paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability ng mga abogado, partikular sa probisyon laban sa gender-based harassment.
Hiniling ng grupo sa Korte Suprema na patawan si Sia ng kaukulang parusa at paalala nila sa lahat ng kandidato—hindi katanggap-tanggap ang misogyny o panghahamak sa kababaihan.
Kinondena rin ng Gabriela ang mga katulad na insidente gaya ng sa Misamis Oriental Governor na si Peter “Sr. Pedro” Unabia, na sinabi umanong dapat “magaganda” lang ang maging nurse.
Pahayag pa ng grupo, dapat maging batayan ng diskwalipikasyon ang misogyny.
Hindi anila karapat-dapat mamuno ang mga walang respeto sa kababaihan.
Giit ng Gabriela, bawal ang bastos, at panawagan nila sa publiko at zero votes para misogynists. | ulat ni Lorenz Tanjoco