Pinaghahanda ni Senador Sherwin Gatchalian ang Pilipinas sa posibilidad ng pagtama ng ‘The Big One’ matapos ang naranasang higit magnitude 7 na lindol sa Myanmar at Thailand.
Binigyang-diin ni Gatchalian na hindi dapat magpakakampante ang Pilipinas lalo na’t tayo ay nasa Pacific Ring of Fire.
Ayon sa senador, dapat ganap na maging handa ang mga lokal na pamahalaan na mabilis na rumesponde sa mga kalamidad gaya ng lindol.
Bilang frontliners, kailangan na aniyang magtalaga ang mga LGU ng designated areas of evacuation at dapat na ring magkaroon ng mga well-trained emergency response teams na may kumpletong rescue at medical capabilities na laging naka-standby.
Aniya, mahalagang may kakayahan, mga gamit, at pondo ang mga lokal na pamahalaan para rumesponde sa mga kalamidad.
Iginiit rin ni Gatchalian na bukod sa gobyerno, responsibilidad rin ng mga ordinaryong mamamayan ang maghanda at magkaroon ng kaalaman para agad makakilos sa panahon ng pangangailangan. | ulat ni Nimfa Asuncion