Umabot na sa 2,105 indibidwal ang lumabag sa umiiral na Commission on Elections (Comelec) gun ban.
Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine National Police (PNP), kabilang sa mga naaresto ang mga sibilyan, security guard, at ilang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP.
Sa isinagawang Comelec checkpoints, nahuli ang 161 indibidwal, habang 1,053 naman ang naaresto sa police response operations.
Samantala, 369 ang nahuli sa mga operasyon laban sa ilegal na droga, 138 sa gun buy-bust operations, at 384 sa iba pang operasyon ng mga alagad ng batas.
Nasamsam din ang kabuuang 2,198 baril at iba pang uri ng armas mula sa iba’t ibang operasyon.
Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng PNP sa mga lumalabag sa gun ban bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na halalan. | ulat ni Kathleen Forbes