Pananagutin ng pamahalaan ang sinumang mapapatunayang lumabag sa batas, partikular iyong mga gumamit ng Emergency Cell Broadcast System (ECBS) para sa pangangampanya, sa harap ng nalalapit na halalan.
Kung matatandaan, una nang nagpahayag ng mariing pagkondena ang Office of Civil Defense (OCD) laban sa makasariling paggamit ng ilang kandidato ng makinaryang ito, na eksklusibo lamang dapat para sa life-saving alerts sa panahon ng emergency, tulad ng lindol, bagyo, at iba pang public safety threats.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Usec. Claire Castro na ang emergency system ay dapat limitado lamang sa emergency.
Nakiusap ang opisyal sa mga kandidato na huwag abusuhin ang makinaryang ito.
“Huwag po sanang abusuhin itong Emergency Cell Broadcast System, dahil ito po, ‘pag sinabi pong emergency, ay dapat pang-emergency lamang po. Hindi po ito dapat inaabuso ng sinuman para sa pansariling kapakanan, okay.” —Castro
Aniya, ang DICT at NTC ay nagsasagawa na ng imbestigasyon dito, at sila sa national government ay sasampahan ng kaso ang mga mapapatunayang nagkaroon ng paglabag sa batas.
“Nagkaroon na rin po ng pag-iimbestiga ang DICT at ang NTC patungkol po dito, at sinuman po na mapapatunayang nagkaroon ng paglabag sa batas ay sasampahan po ng kaso.” —Castro. | ulat ni Racquel Bayan