Sapat na ang mga detalye at impormasyon na naibahagi ng mga miyembro ng gabinete na dumalo sa pagdinig ng Senado kaugnay sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nasa The Hague, Netherlands, dahil sa kasong crimes against humanity.
Tugon ito ni Communications Undersecretary Claire Castro nang tanungin kung bakit hindi na pinadadalo pa ng Malacañang ang mga kalihim sa susunod na pagdinig ng Senado.
Sa mahabang oras aniya ng nauna nang pagdinig, naibahagi na ng cabinet officials ang lahat ng impormasyon kaugnay sa pag-turn over sa ICC sa dating pangulo.
“Wala naman pong itinago, dahil sapat na po iyong napakahabang oras noong unang hearing para po masabi ang dapat na masabi po ng ating mga cabinet officials patungkol po doon sa pag-surrender kay dating Pangulong Duterte sa ICC.” -Castro
Bukod dito ayon sa opisyal, una na rin namang nagkaroon ng preliminary findings si Senator Imee Marcos, na siyang nagsisilbing chair ng Senate Committee on Foreign Relations.
Kaugnay naman sa posibilidad ng paghingi ng reconsideration ng senado sa hindi pagpapadalo sa mga kalihim, ayon kay Usec. Castro, ipinauubaya na ito ng Palasyo sa tanggapan ni Secretary Bersamin.
“Tingnan po natin kung ano po ang mangyayari, kung siya po ay ay naga-ask ng reconsideration, wala pa pong tugon dito si ES Bersamin.” -Castro | ulat ni Racquel Bayan