Ikinaalarma ni Senadora Grace Poe ang paggamit ng Emergency Cell Broadcasting System (ECBS) para sa political campaigning.
Ito ay sa gitna ng mga report mula sa ilang residente sa probinsya na nakakatanggap sila ng ECBS alerts na naglalaman ng panghihikayat na iboto ang ilang partikular na kandidato.
Ayon kay Poe, dapat nang ipatigil ang ganitong maling paggamit ng ECBS.
Giit ni Poe, ang insidenteng ito ay hindi lang nagkokompromiso sa integridad ng emergency alert system kundi naglalagay rin ng banta sa ating kaligtasan at seguridad.
Maaari rin kasi, aniya, magamit ng hackers ang ganito para mag-broadcast ng fake news.
Binigyang-diin ni Poe na dapat seryosohin ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at telecommunications companies ang isyung ito.
Dapat rin aniya tukuyin at panagutin ng mga otoridad ang mga hacker ng ECBS. | ulat ni Nimfa Asuncion