Hindi lang mga ebidensya ang pinaghahandaan ng House prosecution panel ngunit maging ang mga posibleng pagharang ng defense panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Pagbabahagi ni House prosecutor Lorenz Defensor, inaaral din nila ang posibleng mga pagkontra ng depensa oras na magsimula na ang paglilitis.
Sa kaniyang pagtaya, nasa 80% nang ready ang prosekusyon.
“80% ready. We are just preparing and anticipating what the possible defenses would be by the defense council and we’ll have time to meet this week with the other articles how far they have gone,” sabi ni Defensor.
Nakatoka kay Defensor ang Article 1 o yung ginawang pagbabanta ni VP Duterte sa buhay ng Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. Makakasama niya dito si Assistant Majority leader Ysabel Maria Zamora katuwang ang ilan pang abogado.
Bagama’t may kaniya-kaniya aniya silang articles of impeachment ay mahalagang aralin pa rin nila ang iba pang articles.
“Ang buong prosecution team, dapat alam natin ang lahat ng ebidensya at lahat ng articles of the impeachment. All of us should be on board, on all articles of impeachment,” pagbanahagi ni Defensor.
Kumpiyansa naman ang mambabatas na magkakaroon ng mas maayos na pagunawa sa mga ebidesya si Senate President Chiz Escudero, na siyang uupo bilang presiding judge ng impeachment court, dahil sa kaniyang pagiging abogado.
“So magandang abogado po ang ating judge para mas maganda ang pag-appreciate ng evidence at hindi puro technicalities ang basis because remember, since an impeachment process is not a criminal proceeding, hindi po ganun kahigpit ang rules of evidence and the quantum of evidence that is required for a conviction, hindi po proof beyond reasonable doubt at walang makukulong dito sa impeachment trial na ito,” paliwanag niya. | ulat ni Kathleen Forbes