24 oras nang papayagang dumaan sa EDSA ang mga bus na bibiyahe papasok at palabas ng Metro Manila para sa Semana Santa epektibo bukas, April 16, Miyerkules Santo.
Ito’y ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay upang mapagsilbihan ang dagsa ng mga magsisipag-uwian sa mga lalawigan gayundin ang mga bakasyunista kaugnay ng nasabing okasyon.
Kasunod nito, sinabi rin ng MMDA na buong araw naka-monitor ang kanilang North Traffic Enforcement District sa tatlong (3) bus terminal sa Rizal Avenue sa Caloocan.
Kahapon, iniulat ng MMDA na mahigit 200 bus ang na-dispatch kung saan, libu-libong pasahero ang napagsilbihan.
Una nang inihayag ng MMDA na nasa 2,500 mga tauhan nito ang nakakalat na para umalalay ngayong Semana Santa habang naka-standby na rin ang kanilang assets para magbigay ng agarang tulong kung kakailanganin. | ulat ni Jaymark Dagala