Nanawagan si Education Secretary Sonny Angara ng pagtutulungan mula sa gobyerno, pribadong sektor, at simbahan upang maisulong ang mga kinakailangang reporma sa edukasyon.
Sa kaniyang talumpati sa Caritas Philippines’ Executive Course for Leaders of the Philippine Catholic Church, sinabi ni Angara na tulad ng kwento ng pagpaparami ng tinapay at isda sa bibliya, ang edukasyon ay nangangailangan ng pananampalataya, pagbibigayan, at pagkilos.
Binigyang-diin niya ang 5-Point Reform Agenda ng DepEd na nakatuon sa pag-angat ng mga guro sa mas mataas na posisyon, pagpapalakas ng feeding programs, at pagpapatuloy ng edukasyon kahit sa panahon ng sakuna.
Kasabay nito, pinuri rin niya ang mga lider ng simbahan at pribadong sektor na nagbibigay ng alternatibong edukasyon para sa mga out-of-school youth.
Hinimok naman ni Angara ang lahat na magkaisa upang matiyak ang inklusibo at dekalidad na edukasyon para sa bawat Pilipino. | ulat ni Diane Lear