Umapela ang Association of General and Flag Officers (AGFO) sa mga botante na maging “mapanuri” sa mga lumalabas na impormasyon na may kaugnayan sa mga kandidato.
Ito’y bilang pagsuporta na rin sa panawagan ng pamahalaan para sa pagtataguyod ng malinis, maayos, gayundin ay ang kapani-paniwalang halalan sa May 12.
Ayon sa AGFO, nauunawaan nila ang koneksyon ng matatag na democratic environment at pambansang seguridad at kanila rin namang kinikilala na naka-angkla ang matatag na demokrasya sa integridad ng bawat institusyon.
Kaya kasunod naman ng deklarasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na patatagin ang demokrasya sa paggalang sa mga institusyon at pagpili ng nararapat na mga mambabatas, hinikayat ng AGFO ang mga botante na gamitin ang karapatang bumoto nang bukal sa puso.
Naniniwala ang AGFO na sa mahalaga ang malinis at tapat na halalan sa pagpapanatili ng demokrasya at katatagan ng bansa. | ulat ni Jaymark Dagala