Iniimbestigahan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang insidenteng kinasasangkutan ni Special Operations Group-Strike Force (SOG-SF) Head Gabriel Go.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, seryoso nilang inaaksyunan ang usapin at titiyakin ang patas na proseso sa anumang hakbang na kanilang gagawin.
Muling ipinaalala ni Artes sa kanilang mga tauhan ang pagiging magalang at mahinahon sa pagganap ng tungkulin, lalo na sa harap ng tensyon o agresibong sitwasyon.
Bagama’t kinilala ni Artes ang dedikasyon ni Go bilang MMDA enforcer, iginiit niyang walang sinuman ang exempted sa kanilang mga alituntunin. Kung mapatunayang may paglabag, sasailalim siya sa due process at papatawan ng nararapat na parusa.
Humingi rin ng paumanhin ang MMDA sa anumang abalang idinulot ng insidente.
Nakipag-usap na rin ang MMDA sa PNP, Napolcom, at QCPD upang tiyakin na mananatili ang maayos na koordinasyon sa pagitan ng kanilang mga ahensya.
Matatandaang nag-viral sa social media ang video na nagpapakita kay Go habang tinitiketan ang isang pulis sa Anonas Police Station sa Quezon City dahil sa pagparada nito sa bangketa. | ulat ni Diane Lear