Binigyang-diin ni Senador JV Ejercito na dapat disiplinahin ng MMDA ang mga tauhan nilang lumalampas sa hangganan ng kanilang trabaho upang hindi na umulit.
Sinabi ito ng senador matapos niyang personal na makausap si MMDA Chairman Atty. Don Artes, na nangakong aaksyunan ang insidenteng kinasangkutan ni Special Operations Group-Strike Force (SOG-SF) Head Gabriel Go.
Sa kanilang naging pag-uusap, nangako aniya si Artes na papatawan ng disciplinary action si Go.
Matatandaang nag-viral ang video kung saan pinapagalitan at tila pinapahiya ni Go ang isang pulis sa Anonas, Quezon City dahil sa pagparada sa bangketa.
Ayon kay Ejercito, okay sa kanya ang ginawang paninita ni Go dahil totoong nagkamali ang pulis.
Gayunpaman, dapat aniyang panatilihin pa rin ang respeto at huwag sumobra o maging arogante sa paninita.
Binahagi rin ni Ejercito na nakaabot sa kanya ang impormasyong may kinakaharap na sexual harassment case na isinampa ng isang lady traffic enforcer laban kay Go, na naging sanhi ng kanyang pagbibitiw noong 2023.
Sinabi aniya sa kanya ni Artes na sa ngayon ay naghihintay pa ang pamunuan ng MMDA ng verified complaint kaya hindi pa umuusad ang kaso. | ulat ni Nimfa Asuncion