Humarap na sa media at nagpublic apology si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group head Gabriel Go kasunod ng naging pakikitungo nito sa pulis na kanilang sinita sa operasyon sa lansangan kamakailan.
Ginawa ito ni Go sa pagbisita sa tanggapan ng NAPOLCOM kung saan humingi rin ito ng paumanhin kay Comm. Rafael Calinisan, sa buong hanay ng Philippine National Police at Metropolitan Manila Development Authority.
Inamin ni Go na nadala lang siya sa emosyon sa nangyari at walang intensyon na pahiyain ang pulis.
Aniya, magsisilbi itong isang ‘learning point’ sa kanya.
Iginiit din nito na walang anumang koneksyon sa kanya at sa MMDA ang vlogger na sumasama sa kanilang mga operasyon.
Tinanggap naman ni NAPOLCOM Comm. Rafael Calinisan ang ‘public apology’ ni Go at umaasang maging daan na ito ng paghilom ng sugat sa institusyon ng PNP.
Kasabay nito ang paalala kay Go na pairalin ang respeto sa kapwa at maging mapagkumbaba sa paggampan nito ng tungkulin.
Ipinauubaya naman na ni Comm. Calinisan sa pulis kung itutuloy pa nito ang kaso laban kay Go ngunit sa panig ng NAPOLCOM ay wala na itong planong magsampa pa ng anumang kaso.
Sa kabila rin ng insidente, tiniyak nitong mananatili ang magandang kooperasyon ng PNP at MMDA. | ulat ni Merry Ann Bastasa