Sa pagdagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa, muling nagpaalala ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa mga operator at drayber ng pampublikong transportasyon na tanging rated “G” (General Patronage) at “PG” (Parental Guidance) lamang na mga pelikula ang maaaring ipalabas sa loob ng PUVs.
Ito ay para matiyak na ang mga pelikula ay angkop para sa lahat ng biyahero at hindi magkakaroon ng negatibong epekto sa mga bata na bumibiyahe kasama ang kanilang pamilya.
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio, kasama sa kanilang mandato na matiyak na ang lahat ng palabas sa loob ng pampublikong transportasyon ay ligtas para sa lahat ng pasahero, lalo na sa mga batang mananakay.
Binigyang-diin din ni Sotto-Antonio na ang hakbang ay parte ng mas malawak na responsibilidad ng ahensya na masiguro ang ligtas na biyahe ng bawat pamilyang Pilipino.
Hinihikayat din ng Board ang mga pasahero na isumbong sa MTRCB ang mga makikitang lumalabag sa naturang polisiya.
Ang mga pasaway ay parurusahan batay sa Presidential Decree No. 1986 at Chapter XIII ng 2004 Revised Implementing Rules and Regulations. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes