Siniguro ng Malacañang na tinututukan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga lugar na apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Communications Usec. Claire Castro na handa ang tanggapan ng Pangulo na magbigay ng karagdagang pondo sa mga lokal na pamahalaan sa Negros kung kinakailangan.
“At sa ngayon po, Level 3 pa rin po ayon po sa PHIVOLCS ang alert, so nandoon pa rin po ang panawagan ng mga LGUs na huwag po pasukin iyong six-kilometer radius danger zone.” —Usec. Castro.
Tugon ito ng opisyal sa hiling ng apektadong LGU na madagdagan ang kanilang pantustos sa pagkain at iba pang pangangailangan ng mga apektadong residente.
“Kung kinakailangan po, ito po’y titingnan po, titingnan pong mabuti kung ano po ang pangangailangan ng mga LGUs, at agad-agad pong bibigyan po ito ng tulong.” —Usec. Castro.
Kung matatandaan, umaga ng Martes, muling nagkaroon ng explosive eruption ang Bulkang Kanlaon.
Ayon kay Castro, patuloy ang ibinibigay na serbisyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga evacuee.
Nakikipag-ugnayan aniya ang DSWD field offices sa Western at Central Visayas para sa kinakailangang tulong ng LGUs.
“Patuloy pa rin po ang binibigyan ng serbisyo ayon na rin sa direktiba ng ating Pangulo. Ang DSWD po, sa ngayon po ha, ngayong April 8, ay sinabi po na ang field offices po sa Western and Central Visayas ay closely coordinating po sa mga affected local government units at patuloy pa rin po ang pagbibigay ng mga provisions o family food packs and non-food items sa ating mga kababayan na naaapektuhan.” —Usec. Castro. | ulat ni Racquel Bayan