Dumating na sa Pilipinas ang US-made anti-ship missile system na Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System o NMESIS na gagamitin sa Balikatan Exercises sa April 21.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo, sinabi ni AFP Balikatan Exercise Director BGen. Michael Logico na nakarating na sa bansa ang NMESIS sa hindi isinapublikong lokasyon.
Bukod sa NMESIS, inaasahan din ang pagdating ng iba pang makabagong kagamitang militar para sa integrated air at missile defense ng Pilipinas at Estados Unidos.
Maatandaang una nang inanunsyo ni US Secretary of Defense Pete Hegseth ang pagdadala ng NMESIS sa bansa nang bumisita siya kamakailan.
Ang NMESIS ay isang makabagong coastal missile system na kayang magsagawa ng mobile at ground-based na pag-atake sa mga sasakyang pandagat, at mahirap ma-detect ng kalaban.
Ito ay isang malaking hakbang sa pagpapalakas ng depensa ng bansa, lalo na sa mga pinagtatalunang mga teritoryo.
Samantala, binigyan diin ni BGen Logico na ang pagsasagawa ng Balikatan Exercise ay mahalaga para sa mas malawak na usapin sa seguridad at pagpapatibay ng alyansa mga kaalyadong bansa. | ulat ni Diane Lear