Naglabas ng babala sa publiko ang National Telecommunications Commission (NTC) laban sa mga emergency/cell broadcast messages na ginagamit sa pangangampanya ng ilang kandidato.
Sa isang pahayag, hinikayat ng komisyon ang publiko na manatiling mapagmatyag laban sa maling paggamit ng SMS Blasters.
Huwag na rin aniyang pansinin ang mga ganitong mensaheng natatanggap sa ilalim ng emergency broadcast facility maliban na lamang kung ito ay lehitimong emergency message mula sa NDRRMC o PAGASA Weather and Flood Forecasting Center.
Giit ng NTC, hindi tamang gamitin ang SMS blasters, lalo na sa pamamagitan ng emergency alert systems para sa pagpapakalat ng campaign materials. Nakakasira rin umano ito sa tiwala ng publiko sa emergency communication channels.
Naiendorso naman na aniya ng NTC sa kaukulang mga ahensya ang mga ulat ng maling paggamit ng emergency broadcast upang agad itong imbestigahan bilang iligal na kampanya. | ulat ni Merry Ann Bastasa