Nanawagan si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Sec. Carlito Galvez Jr. sa mga kandidato ngayong halalan na pairalin ang respeto, integridad, at pagkakaisa sa kanilang kampanya.
Bilang Cabinet Officer para sa Regional Development and Security ng BARMM at Chairperson ng National Steering Committee on Women, Peace, and Security, iginiit ni Galvez na walang lugar ang mga pahayag na nagdidiskrimina at nagdudulot ng hidwaan sa mga Pilipino. Aniya, nakasasama ito sa mga komunidad at taliwas sa layunin ng kapayapaan.
Binigyang-diin ng opisyal na sa kabila ng pagkakaiba ng kultura at relihiyon sa bansa, mahalagang mapanatili ang paggalang sa bawat isa at itaguyod ang diwa ng pagkakaunawaan.
Hinimok naman ni Galvez ang mga kandidato na isama sa kanilang adbokasiya ang pagkakaisa, bukod sa pagpapakilala ng kanilang plataporma.
Ipinaalala ni Sec. Galvez sa mga kandidatong naghahangad ng pwesto sa gobyerno na dapat magpakita ng mataas na moral standards at maging instrumento ng pag-unlad ng bansa. | ulat ni Diane Lear